Tuesday, December 2, 2008

Mga ‘Bad Foods’ na Hilig ng Pinoy

TAYONG mga Pinoy ay mahilig sa mga pagkaing hindi healthy sa ating katawan. Ano ba ang mga ito? Mag-umpisa tayo sa numero 10 papunta sa numero 1, ang pinakamasama sa lahat.

10. Soft drinks – Naku, guilty ka diyan, ‘di ba? Ang isang basong soft drinks ay may 7 kutsaritang asukal. Kaya grabe ang tamis. Nakatataba at masama ito sa mga diabetiko. Mag-ingat din sa diet soft drinks, dahil may halo itong phosphorous. Ang phosphorous ay nagtatanggal ng calcium sa ating katawan at puwedeng maging dahilan ng osteoporosis. Kaibigan, distilled water na lang!

9. French fries – Mataba at mamantika ang French fries. Ito ang sinisisi ng maraming eksperto kung bakit dumarami ang taong may sakit sa puso at mataas ang kolesterol.

8. Matatabang sarsa tulad ng gravy, mayonnaise at butter. Tadtad iyan ng calories. Mas mainam pa ang suka, calamansi o hot sauce bilang sawsawan.

7. Alak — May mga pasyenteng nagsasabi na ang red wine ay mabuti sa puso. Kapag tinanong ko kung gaano karami ang iniinom, ang sagot ay, “Doc, minsan, nauubos ko ang isang bote.” Masama po ang alak sa ating kalusugan. Masisira ang ating atay, ugat at utak. Nakapag­dudulot din ng maraming kanser.

6. Junk food – Nakaka-addict ang mga sitsirya, corniks at potato chips. Ito’y dahil may halong vetsin at asin. Wala po itong silbi sa katawan. Turuan natin ang ating mga anak na iwasan ito.

5. Hilaw na karne –- Sari-saring bulate ang nakatago sa mga hilaw na karne, tulad ng kilawin na isda o steak na may dugo pa. Siguraduhing luto ang inyong kina­kain. Tandaan, hindi namamatay ang mga bulate sa suka o calamansi.

4. Street food – Ayon sa pagsusuri, 70 percent ng mga Pinoy ay may bulate sa tiyan. Kapag hindi nag­hugas ang mga street vendors ng kamay, puwede itong lumipat sa ating pagkain. Mahirap masiguro ang kalinisan ng mga fish ball, queck-queck at taho. Minsan, nakakita ako ng isang magtataho na gumamit ng kanyang tuwalya para tanggalin ang sobrang tubig sa kanyang taho. Huwag makipagsapalaran!

3. Laman loob – Ewan ko ba kung bakit nahiligan ng mga Pinoy ang pagkain ng utak, puso, bato at bituka. Sobrang taas iyan sa uric acid at kolesterol. May mga eksperto ang nagsasabi na nagdudulot din iyan ng kanser.

2. Chicharon at chicharon bulaklak — Sabi ng kaibigan ko, “Balat lang naman ang gusto ko eh, hindi naman taba.” “Eh saan ba nagtatago ang taba,” sabi ko. “Sinawsaw ko naman sa suka,” hirit pa niya. Kaibigan, taba pa rin iyan. Mag-popcorn ka na lang.

1. Lechon –- Ang paborito ng lahat, ang lechon, crispy pata at pata tim. Ang taba ng baboy ang sadyang nakapagpapabara ng ugat sa puso at utak. Ang resulta? Istrok at atake sa puso. Kaibigan, tikim-tikim lang. Gulay at isda lang talaga ang masustansya para sa inyo. Ingat!

No comments: